PAHAYAG NG NUJP: “Di po laro ang pagbabalita, Mr. President!”

FAI NEWS
December 30, 2016

PAHAYAG NG NUJP: “Di po laro ang pagbabalita, Mr. President!”
NONOY ESPINA·THURSDAY, DECEMBER 29, 2016

( Note: We publish the statement of our counterparts in the Philippines on the statement of PRRD. Some of the editing for brevity is ours–Editors )13770342_10153859917897734_7440132913465371467_n

Los Angeles–Mawalang-galang po, mahal na Pangulo. Sinasadya ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na gamitin ang pambansang wika sa pahayag na ito upang bigyang sapat na halaga ang kaliwanagan sa komunikasyon at tiyakin na mauunawaan ng lahat ang nais naming ipaabot.

Sa inyong panayam sa midya nung Huwebes, muli mong sinabi na “nilalaro” mo kami at “mahilig” kang “magbitaw ng kalokohan.” Kung kaya, pananagutan ng mga mamamahayag ang pagsusuri sa bawat mong salita, kung totoo ba o hindi, at kami ang dapat sisihin kung ‘di tugma ang aming ulat sa mensahe na nais ninyong iparating.

Ipagpaumanhin po ninyo, subalit tuwiran kaming tumututol sa inyong pananaw. Hindi dahil ayaw naming suriin ang inyong mga salita — dahil kasama po ito sa aming gawain — kundi, bilang Pangulo ng Pilipinas, kayo po ang may pananagutan at tungkuling maging malinaw sa lahat ng inyong pahayag sa sambayanan at sa buong mundo.

May mga pagkakataon naman po para sa biro o sa kalokohan. Subalit dahil kayo ang Pangulo, ang inyong mga pahayag sa publiko ay aming itinuturing — at dapat lamang ituring — na patakaran ng inyong pamahalaan.

15135896_10208056073824960_2710043578821660784_nDagdag pa, marami rin sa inyong masusugid na tagasuporta ang nagtuturing ding atas at utos maging ang inyong mga biro at gamitin ang mga ito bilang dahilan para sa mga karumaldumal na hangarin ng mga kriminal at tiwali sa loob at labas ng gobyerno.

Sa ganitong kalagayan, aming kagalang-galang na ginoo, hindi kaya mainam na huwag mo na kaming laruin at bawasan na ang hilig ninyong magbitiw ng kalokohan?

Ipagpatawad po ninyo , mahal na Pangulo, kung amin namang ibinabalik sa inyo ang inyong sinabi: Kung hindi malinaw ang inyong mga pahayag at hindi malinaw kung ito ay biro o seryoso, nasa inyo po at wala sa amin o sa taumbayan, ang problema.

Seryoso po kami sa aming gawain at tungkulin naming ituring na seryoso at iulat ng tapat ang anumang namumutawi sa bibig ng Pangulo.

Huwag po ninyong baliktarin ang kaayusan ng pananagutang maging malinaw, Mr. President.

Reference:

Ryan D. Rosauro
Chairman
NUJP Hotline 09175155991

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>