Daily Archives: September 19, 2016

PANGAKONG NAPAKO

SALAG-BANAT
Setyembre 19, 2016

PANGAKONG NAPAKO

Ni Arturo P. Garcia

20160701jb-13-620x534

“Walang nagkataon sa pulitika. Ang lahat ay binalak at plinano ng mga pulitiko. Ito ang tinatawag nilang nagkataon.”

Ayon ay Presidente Franklin Delano Roosevelt, walang nagkataon sa pulitika lahat ay sinadya. Kaya, ako, ang huling pagkakataong naniwala ako sa pangako ng isang pulitiko ay noong panahon ni Marcos. Ipinangako niyang “This Nation will be Great Again” noong 1965. Mula noon hindi na ako naniwala sa mga pulitiko.

Tinatanggap ko ang pangako pero yung maniwala ng siyento por siyento, hindi na. Pinababayaan ko na lang ang panahon ang magpasya kung ito ay totoo o hindi. Pero sa mas malamang, ang mga pangako nila ay napapako.

Halimbawa na lang si Duterte. Nangako siyang lulutasin niya ang problema ng droga, krimen at korupsyon sa loob ng anim na buwan. Pero tulad ng lastiko, ngayon humihingi na naman siya ng palugit na anim na buwan pa para tuparin ang kanyang pangako.

Kung sabagay, sinasabi naman niyang nagkamali siya ng tantya. Noong hindi pa raw siya Pangulo, akala niya hindi gannong kabigat ang problema. Hindi raw niya “kayang patayin ang lahat ng druglords at mga protector nila sa loob ng anim na buwan.”

Kaya humanda kayo dahil mas marami pang patayan ang magaganap sa loob ng susunod na taon.

Ganito rin ang pangako ng dating kalbong Presidente na hindi nakakatawa. Sabi niya ay “ walang mahirap kung walang kroup.” At tatahak daw tayo sa “tuwid na landas.” Pero paimbabaw lang pala ang pangakong ito na napako na sa kasaysayang lumipas.

Ang masama, tuwing magkakaroon ng pagkaka-iba sa mga sinasabi ni Duterte, ang lagi niyang pinagbibintangan ay ang media, local man o international. Sinisi niya ang mga ito na binabaluktot daw ang kanyang sinasabi.

Kaya nga ang reaskyon naman ang mga mamamahayag dito, ay “ huwag mo kaming sisihin. Sisihin mo ang sarili mo, Ang iyong matabil na dila at maruming bunganga.”

Nangako si Pangulong Duterte ng “Tunay na Pagbabago.” Ngunit nakakaaga pa rin na hatulan kung natupad ba niya ang kanyang mga pangako o tuluyan na itong napako sa kisame ng kasaysayan.

Umabot na sa may 3,500 ang napatay sa kampayang kontra droga. May 2,000 dito ang nasa imbestigasyon at hindi inaamin ng pulisya. Maari daw gawa ng mga sindikato o patayan ng mga sindikato. Hugas kamay na ang pulisya sa usaping ito.

Ito siguro ang dahilan kung bakit umaalma ang media, ang kaibigan nating bansa at maging ang mga kinauukulan tulad ng United Nations dahil sa lantarang paglabag sa karapatang pantao. Sabihin na natin na mga kriminal ang mga napatay, subalit sila ay tao pa rin na kailangang bigyan ng karampatang proseso bago parusahan.

Sinasabi ng mga poltical analysts, sa panahon ni Aquino III isinaayos ang proseso kahit pa mabagal ito. Sa panahon naman ni Duterte, napabilis ang proseso.Ito ang dalawang kontradiksyong naglalaban sa puso ag diwa ng sambayanan. May mga sumusuporta at nagsasabing tama lang na mamatay ang mga ito. Pagod na sila sa mabagal na proseso at talamak na burukrasya at legalidad ng hustisya na kadalasan ay pumapabog sa mga makapangyarihan at mayayaman.

Ngunit sa kabilang panig, mararaming nababagabag sa kalagayang ng pinabilis at ‘short cut” na proseso. Lalo na nang managawan ang Pangulo at ang kanyang mga taga-sunod  sa mga mamamayan na “pumatay at labanan ang mga druglords”.

Kahit sinasabi ni Duterte, “sinusunod naming ang batas” at “nirerespeto naming ang human rights”, kabalintunaan ang naganap. Kaya bakit hindi ito mapupuna ng mga taga-labas ng bansa?

Ang malaking kontradiksyon ay doon ba tayo sa tamang proseso na mabagal pero tama o sa mabilis na proseso na marami naming nasasagasaan at nasasakripisyo sa altar ng “pambansang interes” o” pambansang seguridad.”

Kaya nga balik na naman tayo sa lumang debate,”tama ba o hindi ang deklarasyon nI Marcos ng martial law?’

****