Daily Archives: September 14, 2016

SALAG-BANAT

SALAG-BANAT
Setyembre 14, 2016

ANG MATANDANG ALANGANIN

Ni Arturo P. Garcia

( Simula ngayon, magsusulat ako sa Pilipino sa aking tudling o kolum na may pamagat na SALAG-BANAT sa Facebook . Ito ay para mapalawak ang aking pag-unawa sa ating wika at para sa mga Pilipinong ayaw magbasa o walang tyagang magbasa sa Ingles. Nagsimula akong sumulat sa Ingles mula noong dumating ako sa Amerika at paminsan-minsan sa ating wika.

Pero naganyak akong magsulat dahil sa pangangailangan n gating mga kababayan sa dagdag na kaalaman at impormasyon ganoon din ng opinyon para mapalawak ang kanilang pang-unawa sa mga isyung sosyal-pulitika at ekonomiko dito sa Amerika at sa Pilipinas.)

****

Kung may matandang hangal sa Tsina, mayroon naman tayo sa Pilipinas na “matandang alanganin” o matandang pailing-iling.

Ang ating bagong halal na Pangulo ay papasok na sa katapusan ng 100 araw na pulut-gata o homeymoon sa media sa Pilipinas. Gayunman dahil sa kanyang todong banat laban sa droga at at kanyang mariing pagbatikos sa “human rights” sa loob at sa labas man ng bansa, siya ay naging pulutan ng international media.

Inaamin naman ng ating bagong Panglo na siya ay tunay na isang alanganing Pangulo. Una, tumakbo lamang siya dahil ayaw daw niyang magkaroon tayo ng isang “American Citizen” na pangulo. Alam naman nating lahat, at sinasabi niyang siya ay isang reserbang kandidato lamang.

Ayon sa aking kaibigan, “ ang mga alanganing kandidato ang nanalo sa eleksyon sa Pilipinas.” Andyan si Ramon Magsaysay na alanganin noong lumaban sa kanyang itinuturing na ama si ” Tatay Pidong” Elpidio Quirino o “Apo lakay” ang unang Ilokanong Presidente ng Pilipinas na pumalit kay Manuel Roxas na namatay noong 1947 at nahalal muli nooong 1948.

Andyan din ang simpleng may-bahay na si Cory Aquino na itinulak ng simbahang Katoliko na lumaban kay Marcos at nanalo sa eleksyon ng 1986 pero naluklok dahil sa People’s Power na nagpatalsik sa Diktador Marcos noon ding 1986.

Ang ating Pangulo ay isang abogado. Naging Mayor siya ng lungsod ng Davao sa loob ng 23 taon. Kaya malawak ang kanyang karanasan sa pagpapatakbo ng gobyerno at ito at dinala niya sa Malacanang. Sanay siya sa pakikipagtalastasan sa mga tao. Lubos niyang nauunawaan ang mga hinaing at saloobin ng mga taumbayan ng Davao.

Ito ang dahilan kung bakit napulsuhan niya ang sambayang Pilipino. Noong walang nagsasalita sa isyu ng krimen at kaayusan sa bansa lalo na sa laganap na panganib ng droga siya ang nagtaas dito bilang isang isyu. Dahil dito pinaratangan siyang isang diktador at kung-ano-ano pang bansang na di maganda..

Kaya siya pumatok at nahalal ng may malaking mayorya sa kanyang mga kalaban. Ngunit naging kontrobesyal ang kanyang mga sumunod na aksyon lalo na sa pagbatikos siya sa “human rights” bilang sagabal sa pagpapatupad ng kanyang mandato na “alisin ang droga at wakasan ang korupsyon.”

Ang problema kasi, laging alanganin ang ilang sinasabi niya sa kanyang ginagawa. Tulad na lang ng madalas niyang sinasabing ” papatayin ” pero kapag nakipagkita sa kanya halimbawa ang isang naparatangang druglord na si Peter Lim,. Pero hinarap pa niya at kinausap ito.

Sinasabi niyang “walang sisihan” at “gusto niya ng pakikipag-ayos” subalit ipinalilibing naman niya ang Diktador na si Marcos sa Libingan ng mga Bayani na nagdulot lalo pa ng matinding hidwaan sa lipunang Pilipino.

Kamakailan lang, ilang beses siyang nagsirko at ang malala pa, pinagbitangan pa nya ang medya na”nambaluktot ng kanyang salita” ng murahin niya si Pangulong Obama ng Amerika. Hindi raw niya minura ito.

Hindi raw niya binoykot si Obama pero nang nakabalik na siya sa bansa, inamin din niyang” sinadya niyang hindi dumalo sa presentasyon ng UN at ni Obama sa ASEAN.”

Noon pa lamang kampanya sa eleksyon ng Mayo 2016, napasin ko na ang ugaling ito ni Duterte. Kung minsan sinasabi niya,” hindi naman kayo marunong kumilala ng biro.” Madalas, iba ang sinasabi niya ngayon, sa sasabihin niya bukas.

Ang nahihirapan at naapektuhan ay hindi lamang ang kanyang mga tagapagsalita kundi ang mga myembro ng kanyang gabinete. Halimbawa na lang ang kanyang tahas na pagpapaalis sa mga Ameriakno sa Mindanao. Iba naman ang sinasabi ng Kalihim ng DFA Perfecto Yasay at ng kanyang Hepe Depensang si Delfin Lorenzana.

Maaring kaya na hindi lamang alanganing kandidato si Duterte kundi alangan din siya sa kanyang sinasabi at ginagawa bilang Pangulo ?

Kayo na ang humatol, bayan ko.

***